MANILA, Philippines — Hihilingin ng liderato ng Senado kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-certify as urgent ang panukalang batas laban sa political dynasties, ayon kay Sen. Risa Hontiveros nitong Huwebes, Setyembre 24.
Sinabi ni Hontiveros na isinulong ng Senate leadership ang naturang kahilingan bago mag-adjourn ang sesyon nitong Miyerkules upang subukang maipasa ang panukala sa kasalukuyang sesyon ng 20th Congress.
Ang Senate Bill No. 1901 o proposed Anti-Political Dynasty Act ay naglalayong ipagbawal ang political dynasties sa national at local elective offices, gayundin sa party-list system. Nananatili itong pending sa second reading, ayon sa legislative records ng Senado.
Inihain ang panukala sa ilalim ng Committee Report No. 33 at magkatuwang na inihanda ng Senate committees on Electoral Reforms and People’s Participation at Constitutional Amendments and Revision of Codes.
Lumutang muli ang usapin sa pagdinig ng Senate Ad Hoc Committee on Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth matapos igiit ni dating Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Diwa Guinigundo na nakaaapekto sa economic development at governance ang matagal na dominasyon ng political dynasties.
Nakasaad sa Article II, Section 26 ng 1987 Constitution na dapat tiyakin ng Estado ang pantay na pagkakataon sa public service at ipagbawal ang political dynasties “as may be defined by law.”
Kapag na-certify as urgent ng Pangulo ang isang panukala, maaaring malampasan ang constitutional requirement na magkaroon ng tatlong magkakahiwalay na araw sa pagitan ng readings kung kinakailangan ang agarang pagpasa nito dahil sa public calamity o emergency. RNT