Home NATIONWIDE CICC, humingi ng paumanhin sa Discord ban

CICC, humingi ng paumanhin sa Discord ban

1
0

MANILA, Philippines — Humingi ng paumanhin ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa mga naapektuhan ng ilang oras na pagbabawal sa Discord sa Pilipinas, matapos bawiin ng gobyerno ang ban kasunod ng pakikipag-usap sa pamunuan ng online platform.

“Humingi ako ng pasensya sa lahat ng naapektuhan at mga naabala sa ilang oras na ban ng Discord sa bansa. Inaayos na namin ang lahat kaagapay ang Discord,” pahayag ni CICC Executive Director at DICT Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso.

Ipinatupad ang pag-block sa Discord noong Miyerkules ng gabi ngunit inalis din nitong Huwebes matapos makipagpulong ang CICC at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga kinatawan ng platform.

Ayon kay Paraiso, nangako ang Discord na magbibigay ng mas direktang channel o “green lane” para makatulong sa mga awtoridad sa pagtukoy at pag-monitor sa mga threat actor sa platform. Pinagpipilian din umano ang pagtatatag ng local office o pagtatalaga ng mga kinatawan sa Pilipinas upang mapadali ang koordinasyon sa gobyerno.

Nauna nang binigyan ng CICC ang Discord at Reddit ng 24 oras upang magkaroon ng Philippine presence o local representative, kasunod ng mga pangamba sa online grooming, radicalization at marahas na content na maaaring makaapekto sa mga kabataan.

Sinabi naman ni DICT Secretary Henry Aguda na nangako rin ang Discord na pahihigpitin ang child protection measures nito.

Umani ng batikos ang pansamantalang ban mula sa ilang users at digital rights advocates dahil ginagamit din ang Discord para sa trabaho, online communities at gaming. Kinuwestiyon din ng dating DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy ang legal na batayan ng blocking nang walang court order. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here