MANILA, Philippines — Mahigit kalahati o 52% ng adult Filipinos ang naniniwalang wala silang magagawa upang mabawasan ang korapsyon sa gobyerno, batay sa latest Social Weather Stations (SWS) survey.
Sa survey na isinagawa mula Hunyo 20 hanggang 29, 2026, 30% ang hindi sumang-ayon sa pahayag na “Ang isang taong katulad ko ay walang magagawa upang mabawasan ang korupsyon sa gobyerno,” habang 17% ang undecided.
Dahil dito, nagtala ng -22 net disagreement score, na ikinategorya ng SWS bilang “moderately weak.” Halos hindi ito nagbago mula sa record-low na -23 noong Marso 2026.
Ayon sa SWS, ang 2026 readings ang pinakamahina sa buong serye ng naturang survey question, na dati nang isinagawa nationally noong 2006, 2008 at 2009.
Pinakamataas ang net disagreement sa Visayas sa -10, kasunod ang Mindanao sa -21, Balance Luzon sa -23 at Metro Manila sa -37. Sa SWS scale, nangangahulugan ito na mas maraming respondents sa Metro Manila ang sumasang-ayon na limitado ang kanilang personal na kakayahang makatulong sa pagbawas ng korapsyon.
Lumabas din sa parehong survey na 50% ang dissatisfied sa performance ng national administration sa paglaban sa graft and corruption, 36% ang satisfied at 13% ang undecided.
Gumamit ang non-commissioned survey ng face-to-face interviews sa 1,200 adults nationwide. May sampling error margin itong ±3% para sa national percentages at ±6% para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. Dave Medina