Home METRO P3.2-B puslit na yosi sa Agusan Norte, ininspeksyon ng BOC

P3.2-B puslit na yosi sa Agusan Norte, ininspeksyon ng BOC

1
0

AGUSAN DEL NORTE — Ininspeksyon ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) nitong Huwebes, Setyembre 24, ang bilyun-bilyong pisong kontrabandong nasabat sa 54 container vans sa Nasipit, Agusan del Norte noong Mayo.

Pinangunahan nina BOC Deputy Commissioner Emmanuel Luis Licup at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Thomas Narcise ang inspeksyon sa Gothong Private Wharf, kasama ang iba pang opisyal ng Customs at Police Regional Office 13.

Ayon sa BOC, nasabat ang mga container van sa joint operation ng Customs at pulisya sa Barangay Talisay, Nasipit noong Mayo 8.

Matapos ang ilang buwang inventory, tinatayang P3.2 bilyon ang halaga ng mga nasabat na imported cigarette, na ayon sa CIIS ay pinakamalaking cigarette-smuggling haul na kanilang naitala.

Sa unang opisyal na ulat ng BOC noong Mayo 12, tinatayang P3.3 bilyon naman ang kabuuang halaga ng laman ng 54 container vans. Nakasaad dito na 52 container vans ang may assorted imported cigarettes habang dalawa ang naglalaman ng raw tobacco materials.

Sinabi ni CIIS Northern Mindanao and Caraga Field Station chief Redford Surposa na nagpapatuloy ang imbestigasyon at hindi pa inilalabas ang ilang detalye habang inihahanda ang mga kaukulang kaso.

Lumilitaw din umanong peke ang mga pangalan ng ilang nakalistang tatanggap ng mga shipment.

Ayon kay Licup, mananatiling naka-secure at documented ang mga nakumpiskang produkto hanggang sa maisagawa ang condemnation at destruction alinsunod sa proseso.

Patuloy namang iniimbestigahan ng BOC at PRO-13 ang pinagmulan at mga taong nasa likod ng shipment. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here