MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang muling pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Nobyembre 2026 patungong Nobyembre 2028, na anila’y pagkitil sa karapatan ng mamamayan na pumili ng lider.
Sa panayam sa programang Barangay Simbayanan, sinabi ni PPCRV Spokesperson at Board of Trustee Ana de Villa-Singson na ang postponement ay nangangahulugan ng dalawang taong extension sa termino ng kasalukuyang barangay at SK officials.
“In a democratic process, tinatanggal ninyo ang karapatang bumoto ‘pag pinag-postpone ninyo. You are taking away the right to vote and choose new leaders… That’s a deprivation of right,” giit ni de Villa-Singson sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin niya na pinaka-apektado ang kabataan — maraming dating youth ang hindi na pasok sa SK age bracket dahil sa sunod-sunod na pagpapaliban.
“Feeling ko ho, dapat nang hindi postpone-postpone. Meron akong mga kakilalang BSKE youth sila noon. Dahil postpone nang postpone, hindi na youth. May asawa na, may anak na,” aniya.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ililipat ang halalang nakatakda sana sa Nobyembre 2, 2026 patungong Nobyembre 2028, at gagawing limang taon ang termino ng barangay at SK officials.
“Overage na rin, youth in progress. Magulo. In fact, ‘yung last BSKE bago nangyari ‘yon, there were like four postponements, so sobrang tanda na talaga, like 10 years na,” dagdag niya.
Para sa PPCRV, mahalaga ang BSKE dahil ang barangay ang pinakamalapit sa tao at unang hakbang para sa mga nais maglingkod sa bayan.
“’Yan ang unang hakbang na makapasok sa very direct relationship with the public if you are a public servant… Sila ang direct-facing at sila ang future leaders,” ani de Villa-Singson.
Hiniling din ng PPCRV na magkaroon ng malinaw na impormasyon ang election stakeholders para maayos ang voter education at paghahanda, sa halip na paulit-ulit na kanselahin ang halalan na siyang pundasyon ng demokrasya sa komunidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden