MANILA, Philippines — Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa mga terminal, paliparan, pantalan at pangunahing lansangan sa buong bansa bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa mahabang bakasyon kaugnay ng ASEAN Summit.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na ang mga police commander na dagdagan ang presensya ng mga pulis at paigtingin ang pagpapatrolya sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.
Kabilang sa mahigpit na babantayan ang mga bus terminal, seaport, airport, highway at tourist destination upang matiyak ang kaligtasan ng mga magbabakasyon.
Inaasahang magsisimulang dumami ang mga biyahero ngayong weekend kasunod ng deklarasyon ng special non-working days sa Metro Manila mula Nobyembre 16 hanggang 18 para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.
Batay sa pahayag ng PNP na iniulat ng GMA News nitong Huwebes, Nobyembre 12, inaasahan ng mga awtoridad na mas maraming Pilipino ang uuwi sa kani-kanilang probinsya o magbabakasyon dahil sa mas mahabang pahinga.
Samantala, naghanda rin ang pamahalaan ng 774 emergency response personnel at 119 specialized equipment at sasakyan para sa ASEAN Summit.
Kabilang dito ang mga ambulansya, fire truck, communication equipment at iba pang kagamitang magagamit sa mga emergency.
Pinaalalahanan naman ni Nartatez ang mga biyahero na tiyaking ligtas ang kanilang tahanan bago umalis, sumunod sa mga regulasyon sa trapiko at maging mapagmatyag laban sa mga posibleng krimen.
Hinimok din ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad habang nagpapatuloy ang mga paghahanda para sa pandaigdigang pagtitipon. RNT