Home HOME BANNER STORY Hindi lahat ng may obesity ay may sakit, ayon sa bagong pag-aaral

Hindi lahat ng may obesity ay may sakit, ayon sa bagong pag-aaral

1
0

MANILA, Philippines — Hindi lahat ng taong may obesity ay may aktuwal nang sakit na dulot ng sobrang taba sa katawan, ayon sa bagong pag-aaral na nagmumungkahing baguhin ang paraan ng pagsusuri sa kondisyong ito.

Sa pananaliksik na inilathala sa scientific journal na Nature noong Nobyembre 11, sinuri ng mga eksperto ang health data ng 844,108 adulto mula sa China, United Kingdom, United States at Spain.

Lumabas na humigit-kumulang 23% hanggang 31% lamang ng mga taong may obesity sa ilalim ng bagong diagnostic framework ang maituturing na may clinical obesity, o kondisyong nakaaapekto na sa normal na paggana ng mga organo at katawan.

Ang natitira ay pangunahing kabilang sa pre-clinical obesity, kung saan may labis na taba sa katawan ngunit wala pang natutukoy na kaugnay na organ dysfunction.

Ayon sa mga mananaliksik, hindi sapat ang Body Mass Index (BMI), na nakabatay sa taas at timbang, upang matukoy ang tunay na epekto ng obesity sa kalusugan.

Iminungkahi nilang isama sa pagsusuri ang sukat ng baywang, dami at distribusyon ng taba sa katawan, at kondisyon ng mga organo tulad ng puso at atay.

Natuklasan din na 77% hanggang 91% ng mga may pre-clinical obesity sa mga grupong sinuri ang hindi nagkaroon ng clinical obesity sa loob ng 10 taon.

Gayunman, nilinaw ng mga mananaliksik na hindi nangangahulugang ligtas na sa sakit ang mga taong may pre-clinical obesity.

Maaari pa rin silang magkaroon ng mas mataas na panganib sa diabetes, cardiovascular disease at iba pang komplikasyon.

Ayon kay Professor Francesco Rubino ng King’s College London, pangunahing may-akda ng pag-aaral, mahalagang matukoy kung ang isang tao ay mayroon nang sakit o nanganganib pa lamang na magkaroon nito upang mabigyan ng angkop na pangangalaga.

Ipinakita rin ng pag-aaral na mas mataas ang panganib ng pagkamatay sa mga taong may clinical obesity kumpara sa mga walang obesity o kaugnay na organ dysfunction.

Binigyang-diin ng mga mananaliksik na makatutulong ang mas detalyadong pagsusuri upang maiangkop ang paggamot at pag-iwas sa sakit sa aktuwal na kalagayan ng bawat pasyente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here