Home NATIONWIDE Mahigit 6K OFW sa Saudi Arabia, nabigyan ng ayuda ng DMW

Mahigit 6K OFW sa Saudi Arabia, nabigyan ng ayuda ng DMW

1
0

MANILA, Philippines — Mahigit 6,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia ang nabigyan ng tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) sa gitna ng nagpapatuloy na pag-atake ng Houthi rebels at pagkaantala ng operasyon sa mga paliparan.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, mahigit 4,000 sa mga natulungan ay mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga airport na naapektuhan ng pagkansela at limitadong operasyon ng mga flight.

Sa ulat ng GMA News nitong Miyerkules, Nobyembre 11, sinabi ni Cacdac na tatlong linggong nagsara ang paliparan sa Riyadh bago muling nagbukas, ngunit limitado pa rin ang mga biyahe.

Kabilang sa mga apektadong manggagawa ang ground crew, maintenance personnel, flight attendant at mga empleyado ng duty-free shop, coffee shop at iba pang establisimyento sa airport.

Batay sa naunang datos ng DMW, kabilang sa mga tulong na ibinibigay sa mga apektadong OFW ang financial assistance, pagkain, pansamantalang matutuluyan, serbisyong medikal at transportasyon.

Noong Nobyembre 2, nakapagtala ang ahensya ng 5,257 OFW na natulungan at 573 Pilipinong naibalik sa bansa, kabilang ang 560 manggagawa at 13 dependents.

Samantala, nagpapatuloy ang pangamba sa seguridad sa Saudi Arabia matapos ang panibagong mga pagsabog sa Riyadh na iniuugnay sa mga pag-atake ng Houthi rebels.

Noong Oktubre, isang Pilipinong manggagawa rin ang nasawi matapos tamaan ng debris sa isang pag-atake sa oil facility sa Saudi Arabia.

Patuloy na minomonitor ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang sitwasyon upang matulungan ang mga Pilipinong nangangailangan ng agarang ayuda o repatriation.

Maaaring makipag-ugnayan ang mga apektadong OFW at kanilang pamilya sa pinakamalapit na Migrant Workers Office o tumawag sa DMW-OWWA Hotline 1348. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here