Home NATIONWIDE Anti-grooming bill, umusad na sa Kamara

Anti-grooming bill, umusad na sa Kamara

1
0

MANILA, Philippines — Umusad sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives ang panukalang batas na magpapataw ng pagkakakulong at multang hanggang ₱600,000 laban sa mga mapatutunayang sangkot sa sexual grooming ng mga bata.

Layunin ng panukala na palawakin ang saklaw ng Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act upang matugunan ang mga bagong uri ng sexual harassment at exploitation.

Sa ilalim ng House Bill No. 11264, ang grooming ay tumutukoy sa mga kilos na naglalayong makuha ang tiwala o magkaroon ng emosyonal na koneksyon sa isang bata, pamilya o tagapag-alaga nito upang makapagsagawa ng sexual abuse o exploitation.

Saklaw nito ang mga gawaing maaaring mangyari nang personal, online o sa pamamagitan ng iba pang electronic devices.

Iminumungkahi sa panukala ang parusang prision mayor sa minimum period, multang ₱300,000 hanggang ₱600,000, o parehong parusa, depende sa pasya ng korte.

Mas mabigat na parusa ang maaaring ipataw kung ang gumawa ng grooming ay may posisyon ng awtoridad, impluwensya o pagtitiwala sa biktima.

Kung nasa hustong gulang ang nagkasala at menor de edad ang biktima, magiging mandatory ang pagkakakulong.

Bukod dito, pinalalawak din ng panukala ang mga parusa sa gender-based sexual harassment sa lugar ng trabaho, kabilang ang multang ₱250,000 hanggang ₱500,000 at posibleng pagkakakulong.

Kailangan pang dumaan ang panukala sa mga susunod na proseso ng Kongreso bago ito maaaring maging batas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here