MANILA, Philippines – Hindi dapat payagan ng Korte Suprema na magkaroon ng kanya-kanyang interpretasyon ng Saligang Batas ang sinumang opisyal, kabilang ang mga senador.
Ito ang iginiit ni Atty. Ernesto Francisco Jr. matapos maghain ng petisyon para ipa-resolba ang kontrobersiya sa pagbaba ng voting threshold ng Senate Impeachment Court.
Ayon kay Atty. Francisco, tanging Korte Suprema lang aniya ang may kapangyarihang magbigay ng pinal na interpretasyon.
Giit ni Francisco, walang karapatan ang Senado na baguhin o labagin ang Konstitusyon at tanging Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang magpasya sa usaping ito.
Dapat aniyang manatili sa 16 na boto o 2/3 ng 24 na senador ang requirement sa anumang impeachment trial, gaya ng nakasaad sa batas.
Nilinaw ng abogado na wala siyang kinakampihan, at nais lamang niyang maipatupad nang tama ang batas.
Hiniling din niya na maglabas ang SC ng status quo ante order para pansamantalang ibalik sa dati ang sitwasyon habang dinidinig ang isyu, at ipawalang-bisa ang kautusan ng impeachment court.
Nilinaw ni Francisco na iba ang kanyang hiling sa temporary restraining order na inihain ni Atty. Vic Rodriguez, dahil kinikilala niya ang Senado at Korte Suprema bilang co-equal branches.
Layunin lang aniya ng status quo ante order na ihinto muna ang galaw at ibalik sa dati ang usapin habang hinihintay ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman. Jocelyn Tabangcura-Domenden