Home NATIONWIDE 3 seafarer nakakuha ng P1M sa innovative business plan competition

3 seafarer nakakuha ng P1M sa innovative business plan competition

1
0

MANILA, Philippines – Tatlong Filipino seafarer ang tumanggap ng kabuuang P1 milyon matapos magwagi sa Department of Migrant Workers’ (DMW) LIKHAng Marino Business Plan Competition 2026.

Ayon sa DMW, 16 finalists na nagwagi sa kani-kanilang rehiyon ang naglaban para sa mga pangunahing gantimpala. Inanunsyo ang mga nanalo noong Huwebes ng gabi sa Susan Ople Building sa Makati City.

Nanguna si Nathaniel Lutang Baugbo Jr., 28, mula sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte, para sa kanyang business plan na “Nalfre Perfume and Perfume Bar.” Tumanggap siya ng P500,000 para sa kanyang panukalang negosyo na hango sa kanyang pinagmulan sa Samal.

Pumangalawa naman si Christopher Roeve Tubilag Aquino, 35, ng Zamboanga City, na tumanggap ng P300,000 para sa “Trade Bites,” isang campus snack kiosk na nag-aalok ng pancakes na may malunggay.

Pangatlo si Johnson Jugueta Lagos, 54, ng Cavite, na tumanggap ng P200,000 para sa kanyang planong laundry business na naglalayong mag-alok ng mas mababang presyo kumpara sa mga kakumpitensya.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, layunin ng kompetisyon na magbukas ng mga oportunidad sa kabuhayan para sa mga seafarer na higit pa sa kanilang trabaho sa dagat.

“LIKHAng Marino is not simply about choosing the best business plans. It is about opening new possibilities for our seafarers – to build enterprises, create jobs, stay closer to their families, and shape a more secure future,” ani Cacdac.

Sinabi naman ng DMW-National Reintegration Center for OFWs (NRCO) na ipinakita ng mga winning proposal ang innovation, creativity at entrepreneurial spirit ng mga Filipino seafarer. Makakatulong din umano ang cash prizes upang maisakatuparan ang kanilang mga business ideas bilang mga viable venture.

Hinimok din ni Zamboanga del Norte 2nd District Rep. Irene Labadlabad ang mga nagwagi na pagbutihin pa ang kanilang business plans at gamitin ang mga kasanayang kanilang natutuhan mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

Samantala, inihayag ng NRCO sa naturang event ang nalalapit na LIKHAng Global, kung saan inimbitahan ang mga land-based overseas Filipino workers na magsumite ng kanilang business proposals para sa pagkakataong makatanggap ng seed funding, mentoring at training. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here