Home METRO HVI na tulak, isinelda

HVI na tulak, isinelda

2
0

MANILA, Philippines – BAGSAK sa selda ang isang hinihinalang tulak ng droga na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Biyernes ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Moymoy”, 28, ng Brgy., Wawang Polo.

Ayon kay Col. Talento, unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng ‎ Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagbebenta umano ng suspek ng shabu sa kanilang lugar at kalapit na mga barangay.

Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng SDEU, agad bumuo ng team si P/Lt. Sherwin Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban kay alyas Moymoy sa koordinasyon sa PDEA.

Hindi na nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU makaraang bintahan umano ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-3:30 ng madaling araw sa Kabesang Imo St., corner Langka St., Brgy. Balangkas.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 55 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P374,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at walong P1,000 boodle money, sling bag, P150 cash at isang motorsiklo na gamit umano nito sa pagdedeliber ng droga.

Ani SDEU investigator PSSg Cris Paul Collo, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa piskalya ng Valenzuela City. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here