MANILA, Philippines – Hinamon ni dating Senador Manny Pacquiao ang mga traydor na Pinoy na bisitahin ang Pag-asa Island at maranasan ang reyalidad na mamuhay sa maritime dispute kasama ang China.
Si Pacquiao, chair at lead convenor ng National Anti-Poverty Commission, ay nasa Pag-asa Island para sa selebrasyon ng Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month (Mana Mo).
Aniya, dapat na magkaisa ang mga Filipino at palakasin ang kanilang pagresolba sa sovereign rights ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
“Ang masasabi ko lang sa ating mga kababayan, magkaisa tayo,” sinabi ng dating senador.
“I’m happy to be here in Pagasa Island. Nakita ko yung mga barko ng China.”
“Kailangan siguro pagtibayin natin yung samahan natin, ipakita natin sa kanila na hindi tayo basta-basta gi-give up sa sariling atin,” sinabi pa ni Pacquiao.
“Hindi naman tayo nakikipag-away, gusto natin makipagkaibigan, pero huwag naman to the point na kukuhanin yung sa’yo.”
Ani Pacquiao, nakikita niya ang presensya ng mga barko ng China na naka-angkla ilang kilometro lamang mula sa Pag-asa na nakakainsulto.
“This is our territory, nandyan sila so parang nabu-bully tayo, ini-intimidate tayo,” aniya.
Umaasa naman si Pacquiao na mapaplantsa ang gusot sa pagitan ng Pilipinas at China sa isyung ito.
“Doon sa mga Pilipino na medyo traydor, dapat pumunta kayo dito para maranasan niyo. Sa mga Pilipinong traydor, dapat mag-isip silang mabuti, Atin ‘to. Hindi maganda na sarili mong tahanan tapos kukunin.” RNT/JGC