MANILA, Philippines – Sinabi ni Public Works Secretary Vince Dizon na rerepasuhin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga na-flag na duplicate, overlapping at double-funded projects sa panukalang 2027 budget at nangakong aalisin sa puwesto ang mga opisyal na nagpadaan sa mga ito.
Sa budget deliberation ng DPWH, inilatag ni Senate President Sherwin Gatchalian ang walong red flags sa 2027 budget, kabilang ang 2,570 proyektong walang station limit o bridge ID, 189 duplicated projects, 258 proyektong naulit mula 2026, 3,543 walang coordinates, 347 lump-sum projects, 533 overlapping o fragmented projects, 62 walang malinaw na work scope at 20 may conflicting type of work.
Kabuuang 7,107 red flags ang nakita sa locally funded operations, na katumbas ng 62.37% ng lahat ng DPWH projects at nagkakahalaga ng ₱251.81 bilyon.
Ayon kay Dizon, 6,113 sa mga na-flag na proyekto ay mayroon namang station limits, bridge IDs at coordinates sa supporting documents, ngunit hindi lamang naisama sa project title sa 2027 National Expenditure Program (NEP).
“Hindi lang po nasiama sa project title sa National Expenditure Program, and this is easily verifiable,” ani Dizon.
Sinabi niyang muling isusumite ng DPWH sa Senado ang mga line item na kumpleto sa station limits, IDs at coordinates.
Sa natitirang 994 proyekto, 347 ang lump-sum items na idedetalye ng DPWH, habang ang 647 proyekto ay magkatuwang na rerepasuhin ng Office of the Senate President at Senate Committee on Finance.
“We are left with 647, roughly about 5% of the number of projects in the budget, and these are now going to be jointly validated,” ani Dizon.
Kung mapatunayang duplicate, double-funded o overlapping ang mga ito, sinabi ni Dizon na aalisin sa puwesto at pananagutin ang district engineers o heads of implementing offices na lumagda sa certification na walang ganitong problema ang mga proyekto.
“Since ang atin pong mga district engineer, heads of implementing offices, ay pumirma ang nagsumite ng Certificate of Implementability at kasama po doon ay ang kanilang pag-attest [with] their signature na walang duplicate, walang overlap, walang double funding, itaga ninyo po sa bato… ‘yun pong district engineer na ‘yon ora mismo po tatanggalin ko at papakasuhan ko po ‘yung mga yon kasi pumirma sila ng isang dokumento na sinabi nilang walang duplicate, walang overlap, walang double funding,” ani Dizon. RNT/MDS