Home HOME BANNER STORY P60 dagdag-sahod sa NCR, umarangkada na!

P60 dagdag-sahod sa NCR, umarangkada na!

172
0

MANILA, Philippines – Epektibo ngayong Sabado, Setyembre 26, ang P60 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng Wage Order No. NCR-28.

Dahil dito, tataas mula P695 hanggang P755 kada araw ang minimum wage ng non-agricultural workers. Samantala, magiging P718 mula P658 ang sahod ng agricultural workers, gayundin ng mga manggagawa sa maliliit na retail at service establishments at manufacturing firms na sakop ng mas mababang rate.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), tinatayang 1.1 milyong daily wage earners sa Metro Manila ang makikinabang sa dagdag-sahod.

“Dito natin naipakita ang kabuluhan ng isang tripartite mechanism kung saan ang pamahalaan, ang employers’ groups, at ang employees’ groups ay nagkakaisa para isulong at iangat ang dangal ng manggagawang Pilipino at maipakita rin na sa pagkakaisang ito ay makapagsulong ng isang sustainable economy dito sa NCR,” ani DOLE Secretary Francis N. Tolentino.

Nanawagan ang DOLE sa mga employer na sundin ang bagong minimum wage rates at tiyaking naipapakita sa payroll at compensation systems ang dagdag-sahod. Patuloy din nitong imo-monitor ang pagpapatupad ng wage order at magbibigay ng gabay sa mga manggagawa at employer.

Dumaan ang wage order sa tripartite wage-setting process ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR (RTWPB-NCR) at kinumpirma ng National Wages and Productivity Commission (NWPC).

Ang NCR-28 ay ipinatutupad habang nakabinbin ang legal na usapin sa naunang Wage Order No. NCR-27, na naglaan ng kabuuang P85 dagdag-sahod sa dalawang tranche. RNT/MDS/Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here