MANILA, Philippines – Itatakda sa Nobyembre 28 ang special election para sa lone congressional district ng Batanes, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Gaganapin ang halalan para mapalitan ang yumaong Batanes Lone District Representative Ciriaco Gato Jr., na pumanaw ngayong buwan.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nasa humigit-kumulang 15,000 lamang ang rehistradong botante sa lalawigan, ngunit kailangang paghandaan ang posibleng problema sa logistics.
“November 28 na po ang ating exact date na gagawin ang ating special election diyan po sa probinsya ng Batanes,” ani Garcia sa panayam sa Comelec headquarters sa Maynila noong Setyembre 25.
Aniya, isa sa mga hamon ang panahon dahil karaniwang may mga bagyo pagsapit ng Nobyembre at Disyembre.
“Meron po kaming mga pinag-iisipan kung paano maso-solve namin ‘yung problema lalo na kung mga isla po kasi doon and therefore kinakailangang pagsama-samahin ‘yung result ng provincial canvassing,” dagdag niya.
Naglaan ang Comelec ng P10 milyon mula sa kanilang savings o realignment, kung kinakailangan, para sa paghahanda ng special election.
Inaasahang ilalabas sa lalong madaling panahon ang calendar of activities para sa halalan. RNT/MDS