CORON, Palawan, Philippines – Nakiisa ang Philippine Coast Guard (PCG), sa pamamagitan ng Sub-Stations Turda at Tara, sa prayer service ng mga pamilya at residente ng Coron para alalahanin ang mga biktima ng sunog sa M/V June Aster nitong Setyembre 25, 2026.
Nagdeploy din ang PCG ng maliliit na bangka bilang suporta sa isinagawang aktibidad.
Pinangunahan ni Fr. John Paul Bangsi, lokal na pari ng Coron, ang panalangin, na sinundan ng pagbabasbas sa M/V June Aster, pag-aalay ng mga bulaklak at pagpapalipad ng puting lobo bilang pag-alala sa mga nasawi.
Dumalo sa aktibidad ang mga pamilya ng mga biktima, residente at barangay officials ng Turda at Tara, mga opisyal ng Munisipalidad ng Coron, at mga miyembro ng Philippine Marines.
Patuloy namang ipinapaabot ng PCG ang pakikiramay sa mga pamilya at komunidad ng Coron habang nagpapatuloy ang search and response operations para sa mga nawawala. Jocelyn Tabangcura-Domenden