MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ng Sandiganbayan Third Division na bahagi ng regular na proseso ng korte ang pagbasa ng formal charge laban kay dating House Speaker at Leyte First District Rep. Ferdinand Martin Romualdez, matapos itong ilarawan ng isang abogado bilang “overkill.”
Sa order na may petsang Setyembre 25, sinabi ng korte na ang pagbasa ng Information sa open court ay hindi para ipahiya, pagurin o parusahan ang akusado.
Ayon sa Sandiganbayan, mahalaga ang proseso upang mapangalagaan ang constitutional right ng akusado na malaman ang uri at dahilan ng paratang laban sa kanya.
Nilinaw din ng Third Division na pinapayagan ng rules ang waiver sa pagbasa ng Information sa ilang pagkakataon, kabilang kung maraming Information na pareho maliban sa petsa ng umano’y mga paglabag at halaga. Sa kaso ni Romualdez, iisa lamang umano ang Information.
Binigyang-diin ng korte na bukas sa publiko ang proceedings dahil usaping pampubliko ang administration of justice. Anito, nakatutulong ang transparency sa accountability at pagprotekta sa karapatan ng akusado.
Hiniling ng Sandiganbayan sa mga partido at kanilang mga abogado na hayaan ang proseso ng korte na umusad at gamitin ang mga itinakdang legal na remedyo para sa anumang pagtutol.
Pinaalalahanan din nito ang mga abogado na panatilihin ang pagiging mahinahon, maayos at magalang sa kanilang mga pahayag, lalo na sa media.
Nagbabala ang korte laban sa mga pahayag na maaaring lumabag sa subjudice rule o maituring na improper conduct na makasisira sa proceedings.
Pinamumunuan ni Associate Justice Karl B. Miranda ang Third Division. Lumagda rin sa order sina Associate Justices Fritz Bryn Anthony M. Delos Santos at Michael Frederick L. Musngi. RNT/MDS