Home METRO Arrest warrant sa 12 katao inilabas sa RPG ambush sa Maguindanao del...

Arrest warrant sa 12 katao inilabas sa RPG ambush sa Maguindanao del Sur

1
0

ILIGAN CITY, Philippines – Naglabas ang Iligan City Regional Trial Court Branch 1 ng warrant of arrest laban sa 12 indibidwal, kabilang si Datu Unsay, Maguindanao del Sur Mayor Datu Andal “Xyril” Ampatuan V, kaugnay ng Enero 25 na RPG ambush laban kay Shariff Aguak Mayor Datu Akmad “Mitra” Ampatuan Sr.

Nag-ugat ang mga warrant sa resolusyon ng Department of Justice (DOJ) noong Agosto 28, 2026, na nakitang may probable cause para kasuhan ang mga respondent kaugnay ng pag-atake na nakaligtas ang alkalde.

Nahaharap ang mga akusado sa apat na counts ng frustrated murder at mga paglabag sa Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020, kabilang ang terrorism, pagpaplano at paghahanda ng terrorism, at conspiracy to commit terrorism.

Bukod kay Mayor Ampatuan V, kabilang sa mga inisyuhan ng warrant sina Ababang Salik alias Babang, Edad Pendatun alias Haider, Aboher K. Guimbangan, Toraipie A. Lusod, Gapor Magaluyan, Mohammad Shamron Uday Sapalon alias Tho Sapalon, Samsudin K. Mokamad, Saudi M. Guiapal, Johari M. Guiapal, Soy Kali, at Datuben Gayon alias Datu Ben A. Alib.

Wala pang inilalabas na pahayag si Ampatuan at ang iba pang akusado kaugnay ng warrants.

Inihain ang reklamo nina Shariff Aguak Mayor Ampatuan, PFC Manuel Dondiego, Tips Lakman Eso at Butch Saludin.

Noong Enero 25, hinarang at pinaputukan ng mga armadong lalaki gamit ang RPG ang convoy ni Mayor Ampatuan. Hindi nasaktan ang alkalde, ngunit dalawang security escort niya ang nasugatan sa naganap na palitan ng putok.

Ayon sa pulisya, apat na suspek ang napatay sa hot-pursuit operation matapos ang ambush.

Makalipas ang mahigit tatlong linggo, pinaputukan naman ng hindi pa nakikilalang mga armadong lalaki ang sasakyang sinasakyan ng pamangkin ng alkalde sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur. Napatay ito, habang nasugatan ang kapatid ng alkalde na si Yasser at isa pang indibidwal na nakilalang “Lemon.”

Si Mayor Ampatuan ay pinsan ni dating Datu Unsay Mayor Datu Andal “Unsay” Ampatuan Jr., na nahatulan kaugnay ng 2009 Maguindanao massacre. Si Mayor Ampatuan V ay anak ni Andal Jr. Naging mahalagang testigo rin ang alkalde sa naturang kaso. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here