Home NATIONWIDE Kahit pinabulaanan ng DPWH chief, ghost projects sa Taguig tinindigan ni Lacson

Kahit pinabulaanan ng DPWH chief, ghost projects sa Taguig tinindigan ni Lacson

5
0

MANILA, Philippines – Tinindigan ni Senador Panfilo Lacson ang naunang paniniwala na mayroong mga ghost projects sa Taguig City base sa opisyal na site inspection report mismo ng ilang tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sapahayag, sinabi ni Lacson na salungat ang konklusyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na walang ghost projects sa Taguig  sa site inspection report mismo ng kanyang ahensiya.

Nagpahayag si Lacson ng “pakikiramay” sa mga site inspection engineer ng DPWH, na ang mga natuklasan ay sinalungat mismo ng kanilang hepe sa pagdinig ng Senate finance subcommittee hinggil sa panukalang badyet ng DPWH para sa 2027.

“Poor DPWH Site Inspection Engineers. Their boss, Sec Vince Dizon directly contradicted their own site inspection reports in Taguig, specifically submitted by personnel from the department’s Bureau of Quality and Safety and Bureau of Maintenance,” aniya sa isang post sa X.

Dagdag ni Lacson, maaaring may nalilimutan na si Dizon dahil sa “pressure” ng trabaho.

Idiniin niya na mismong DPWH ang nagsumite sa kanyang tanggapan sa Senado ng mga rekord ng mga proyektong “nonexistent but reported as completed.”

“Poor Vince Dizon. The ‘pressure’ of work may have clouded his memory. The DPWH already turned over to my Senate office records of nonexistent but reported as completed slope protection projects in Taguig. Like toothpaste squeezed from the tube, there’s no putting it back in,” aniya sa isa pang post sa X Sabado ng umaga.

Sa pagdinig ng subcommittee, tinanong ni Sen. Alan Peter Cayetano si Dizon kung may ghost projects sa Taguig. Sinabi ni Dizon na “none” o wala.

Ayon kay Lacson, hindi tugma ang pahayag na ito sa mga site inspection report na isinumite ng mga tauhan ng DPWH Bureau of Maintenance, Quality and Safety, Construction, at Research and Standards.

Lumabas sa mga inspection report na maraming flood control projects sa Taguig ay dineklarang “completed” nguni’t hindi ma-validate ng mga inspection team ang “physical presence on site” dahil sa iba’t ibang dahilan.

Binanggit din ni Lacson ang datos mula sa “Analysis of Potential Similar Billing Photographs from 2017-2025 of Taguig projects using AI-Based Image Similarity Detection Approach” ng DPWH.

Mula sa 15,523 na imaheng na-process ng AI system, nakita na may mataas na visual similarity sa 1,079 pares ng mga larawan.

Kasama sa report ang 180 natatanging kontrata, kung saan ang mga sumusunod na contractor ang may pinakamaraming proyekto na gumamit ng magkakahawig na billing photos:

Dahl Construction Corp., 16 unique projects
L.R. Tiqui Builders Inc., 12 unique projects
729 Construction Inc. (dating 722 Construction), 10 unique projects
RVR3 Construction Supply and Services, 10 unique projects
Toughbuilt Construction & Trading Inc., 9 unique projects
J. Simeon Construction, 8 unique projects
Tuchar Construction Corp., 7 unique projects
Bell Construction, 6 unique projects
M3 Konstract Corp., 5 unique projects
Zyre Trading and Construction, 5 unique projects

Nauna rito, pormal na isinumite nina Lacson at ng kanyang team sa Office of the Ombudsman ang hindi bababa sa 45 case studies, na suportado ng mga opisyal na dokumento, hinggil sa kanilang inilalarawang “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure project sa Taguig.

Mula noon, nagsagawa na ang Office of the Ombudsman ng fact-finding investigation sa mga alegasyong may kaugnayan sa mga proyekto roon.

Bukod dito, nagsumite rin sina Lacson at ang kanyang team sa Ombudsman ng ilang ebidensyang nakalap nila hanggang ngayon kaugnay ng umano’y ilegal na reclamation at mga infrastructure project sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig City. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here