Home METRO 200 PWDs nakinabang sa programang pang-empleyo sa Kyusi

200 PWDs nakinabang sa programang pang-empleyo sa Kyusi

2
0

QUEZON CITY, Philippines – Tinatayang 200 Person with Disabilities (PWDs) ang nakinabang sa “Kasama Ka sa Kyusi Program” na naglalayong mabigyan sila ng trabaho at sariling pagkakakitaan.

Ipinatutupad ang programa sa ilalim ng Ordinansa Blg. 3469 na isinulong ni District 6 Councilor Emmanuel “Banjo” Pilar at nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte noong Disyembre 2025.

Ayon kay Atty. Aron Cabral ng QC Persons With Disability Affairs Office (QC-PDAO), nasa 200 PWD mula sa mahigit 100,000 rehistrado sa lungsod ang kasalukuyang nagtatrabaho sa iba’t ibang seksyon at departamento ng lokal na pamahalaan.

“Karamihan sa kanila ay gumagawa ng mga gawaing clerical habang ang iba naman ay nagsisilbing receptionist o receiving staff. Ang layunin namin dito ay maipakita na kaya pa rin nilang (mga PWD) magtrabaho. Minsan nga, mas efficient pa sila [kumpara sa mga empleyadong walang kapansanan],” ani Cabral.

Bago makapagtrabaho, sumasailalim muna ang mga benepisyaryo sa vocational training, computer literacy, job readiness at iba pang pagsasanay. May apat na buwang trial period din sila at buwanang sinusuri ang kanilang performance.

Dalawang beses kada taon kumukuha ng mga benepisyaryo para sa apat na buwang trabaho. Ayon kay Cabral, karamihan sa mga dating contractual employees ay nakatapos na ng kanilang kontrata, habang ang iba ay naging regular na empleyado ng lungsod.

Naglaan ang lungsod ng mahigit P23 milyon para sa 200 benepisyaryo ng programa, na may apat na buwang kontrata.

“Layunin ng programang ‘Kasama Ka sa Kyusi’ na magbigay ng mga oportunidad para makapagtrabaho at kumita ang mga PWD na rehistrado sa ating QC-PDAO,” ani Pilar.

“Ang institusyonalisasyon ng programa ay titiyak sa pagpapatuloy at pagiging sustenable nito, na magbibigay-daan sa mas sistematiko at epektibong pamamaraan ng pakikilahok ng mga PWD sa lakas-paggawa,” dagdag niya. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here