MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate President Win Gatchalian ang buong husay na pagpapatupad ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy Act (CREATE MORE), upang mapalakas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan at masuportahan ang paglago ng ekonomiya.
Bagama’t bahagyang nabawasan ang pagiging negatibo ng business sentiment sa bansa noong Agosto batay sa pinakahuling Business Expectations Survey, nanatili pa rin sa antas na negatibo ang business confidence index sa nasabing buwan.
Kabilang sa mga nakaapekto rito ang masamang panahon, mataas na inflation, patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, maingat na paggastos ng mga consumer para sa leisure at travel, at pagtaas ng production at operating costs.
Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi lamang tungkol sa dagdag na incentives para sa mga investor ang CREATE MORE. Mas mahalaga, aniya, ang chain reaction na maaari nitong maidulot sa pag-unlad ng ekonomiya.
“Kung tuloy-tuloy ang pamumuhunan sa bansa, mas dadami ang trabaho at makakatulong ito para mapataas ang koleksyon ng buwis,” ani Gatchalian.
“Sa panahon na maraming iniinda ang mga mamumuhunan, kagaya ng mataas na presyo ng kuryente at raw materials, kumpiyansa tayo na ang CREATE MORE ay magbibigay sa atin ng competitive advantage,” dagdag niya.
Naging epektibo noong Nobyembre 2024 ang Republic Act No. 12066, o ang CREATE MORE Act.
Isinulong at pangunahing inakda ni Gatchalian, inaamyendahan ng batas ang orihinal na CREATE Act upang mapahusay ang tax incentives at makahikayat ng mas maraming lokal at dayuhang pamumuhunan. Ernie Reyes