MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ahensiya ng gobyerno na palawakin ang irrigation service areas sa buong bansa sa 2027 bilang bahagi ng pagsisikap na itaas ang agricultural productivity at palakasin ang suporta para sa mga magsasakang pinoy.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ipinanukala ng administrasyong Marcos ang P30.44 billion para sa Irrigation Services Program ng National Irrigation Administration (NIA).
Sa ilalim ng panukalang Fiscal Year 2027 National Expenditure Program, ang funding ay suporta para sa development ng 11,153 ektarya ng bagong irrigation service areas sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Para kay Pangulong Marcos Jr., ang investment sa irigasyon ay bahagi ng mas malawak na food security agenda ng pamahalaan kasama ang suporta sa mga magsasaka at mangingisda, produksiyon ng pagkain at pagpapataas ng farm productivity,” ayon kay Castro.
Binigyang diin din aniya ng Pangulo ang kahalagahan ng pagpapalakas sa irrigation infrastructure para paghusayin ang agricultural productivity at suportahan ang pagkabuhayan ng mga magsasaka.
Ang pagpapalawak ng irigasyon ay naglalayong tulungan ang mga magsasaka na makayanan ang climate-related risks, kabilang na ang potensiyal na epekto ng El Niño.
Gayundin, ginagalugad ng gobyerno ang alternatibong irrigation solutions, kabilang na ang solar-powered irrigation systems, bilahg bahagi ng pagsisikap na palakasin ang suporta para sa sektor ng agrikultura.
“Ipinapakita rin nito ang matibay na pangako ng Pangulo sa sektor ng agrikultura sa kabila ng lahat ng hamong dulot ng climate change,” ang sinabi ni Castro. (KRIS JOSE)