Home NATIONWIDE Suspensiyon ng excise tax sa diesel, gasoline, dapat isunod na – Gatchalian,...

Suspensiyon ng excise tax sa diesel, gasoline, dapat isunod na – Gatchalian, Bam

3
0

MANILA, Philippines – Tinanggap nina Senador Sherwin Gatchalian at Senador Bam Aquino bilang “napapanahon” ang paglabas ng Executive Order na nagsususpinde sa excise tax ng LPG at kerosene, pero pareho silang nanawagan sa gobyerno na isama na rin ang diesel at gasolina para mas maraming Pilipino ang matulungan.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Gatchalian na makatutulong ang suspensyon sa excise tax ng LPG at kerosene para maibsan ang pasanin ng mga konsyumer sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

“The President’s issuance of an EO suspending the excise taxes on LPG and kerosene is a welcome and timely intervention that will help ease the burden of soaring fuel prices on consumers,” ani Gatchalian.

Dagdag niya, malaking ginhawa ito lalo na sa mga low-income at vulnerable households na malaki ang ginagastos sa basic energy needs.

Kinilala rin ng senador na bababa ang kita ng gobyerno dahil dito, pero aniya, “providing relief to families amid high fuel prices is a reasonable policy trade-off.”

Para masigurong epektibo ang EO, hinimok ni Gatchalian ang gobyerno na magsagawa ng mahigpit na pagbabantay sa presyo ng LPG at kerosene sa merkado.

“Umaasa akong susunod na rin ang pagsuspinde ng excise tax sa diesel at gasolina para maibsan naman ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa transport sector at sa presyo ng mga bilihin,” dagdag niya.

Sa hiwalay na panayam, sinang-ayunan din ni Sen. Bam Aquino ang hakbang pero iginiit na dapat isama na ang lahat ng produktong petrolyo.

“Alam naman natin patuloy iyong pagtaas ng presyo ng petrolyo sa ating bansa. At iyong apektado diyan, lahat ng Pilipino, hindi lang iyong mayayaman,” sabi ni Aquino nang tanungin kung sino ang makikinabang.

Giit niya, pati middle class, mahihirap, transport sector, delivery rider, magsasaka, mangingisda, at small entrepreneurs ay direktang tinatamaan ng pagtaas ng presyo ng krudo.

“Kailangan po ng solusyon ng gobyerno para mababa ito,” aniya.

Naalala ni Aquino na nabigyan na nila ng kapangyarihan ang Pangulo noong mga nakaraang buwan para suspendihin ang VAT at excise tax sa petrolyo hanggang sa katapusan ng taon.

“At kami po, dito po sa aming opisina, nanawagan po kami: gamitin na po iyan, tanggalin na po iyong VAT at excise tax sa petrolyo para makita naman po natin, konting lunas, konting tulong sa ating mga kababayan,” panawagan ng senador.

Patuloy na tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa, na nagreresulta rin sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pamasahe.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here