Home NATIONWIDE VP Sara walang direktang komento ukol sa voting threshold sa impeachment

VP Sara walang direktang komento ukol sa voting threshold sa impeachment

1
0

DAVAO CITY, Philippines – Hindi direktang nagkomento si Vice President Sara Duterte sa desisyon ng Senate Impeachment Court na baguhin ang batayan sa bilang ng boto para sa conviction sa kanyang impeachment case.

Sinabi ni Duterte na ipinauubaya niya sa kanyang defense lawyers ang usapin upang maiwasang makapagsabi ng anumang hindi dapat isapubliko.

“Sandali kasi pagalitan ako ng mga abogado ko nito. So, iwan ko na lang sa spokesperson ng defense team kung ano yung comment nila kasi baka meron silang iniisip na posibleng masabi ko na hindi puwede sabihin sa publiko,” ani Duterte.

Kinilala rin niya na alam niya ang petisyon ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez sa Supreme Court na kumukuwestiyon sa Sept. 23 ruling ng Senate Impeachment Court.

“Yes, oo. Nabalitaan ko kahapon na merong nag-file si Atty. Vic Rodriguez ng petition sa Supreme Court at hindi ko pa kasi nabasa yung kanyang petition,” aniya.

Humingi si Rodriguez ng certiorari at prohibition at hiniling ang temporary restraining order laban sa desisyon ng impeachment court. Iginiit niyang dapat nakabatay sa lahat ng 24 senador ang two-thirds requirement, na mangangailangan ng 16 na boto para sa conviction.

Sa ruling ng impeachment court, ang two-thirds requirement ay ibabatay naman sa mga senador na legal at aktuwal na makalalahok kapag isinagawa ang pagboto sa hatol.

Patuloy ang paglilitis habang wala pang utos ang Supreme Court na ihinto ito. Sinabi rin ng House prosecution na magpapatuloy ang impeachment proceedings maliban kung maglalabas ang mataas na hukuman ng TRO o injunction.

Samantala, sinabi ng defense team ni Duterte na lalahok ito sa proceedings ad cautelam, habang pinananatili ang karapatang kuwestiyunin ang mga proseso sa pamamagitan ng mga legal na remedyo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here