MANILA, Philippines – Hinimok ng isang pari ang mga mananampalataya na paigtingin ang araw-araw na pagdarasal ng Santo Rosaryo bilang panalangin para sa kapayapaan sa gitna ng mga hamon sa mundo.
Sa pagbubukas ng Marian Exhibit sa Fisher Mall noong Setyembre 23, sinabi ni Fr. Roy Bellen na dapat maging sama-samang panalangin para sa kapayapaan ang Rosaryo at hindi lamang personal na debosyon.
“Let every Hail Mary rise as a humble plea for peace… and an offering for those who suffer,” aniya.
Kabilang sa mga hamon na binanggit niya ang karahasan sa kabataan, mga isyu sa pulitika, digmaan, kalamidad at banta ng El Niño.
Ang exhibit, na bukas hanggang Oktubre 3 at pinangunahan ni Fr. Edward Dantis, SSP, ay naglalayong magsilbing lugar ng panibagong pananampalataya kung saan maaaring sama-samang manalangin ang mga pamilya at komunidad sa pamamagitan ng Mahal na Birhen, Reyna ng Kapayapaan. Jocelyn Tabangcura-Domenden