MANILA, Philippines Sinabi ng Malakanyang na kailangan ng i-level up ni Vice-President Sara Duterte ang kanyang defending skills upang maaari siyang magmukhang kapani-paniwala.
Tugon ito ng Malakanyang sa patutsada ni Vice President Sara Duterte na lubhang tumataas na ang desperasyon ng kasalukuyang administrasyon para di umano’y siya’y pabagsakin.
“Uulit ulitin natin para tumimo sa isipan… She needs to level up her defending skills so she can appear credible, if only for once,” ang matapang na patutsada ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kay VP Sara sa isang text message.
Kailangan din aniyang maturuan ang Bise-Presidente nang pagsagot na may ebidensiya sa mga inaakusa sa kanya bago pa magturo ng iba.
“Alamin niya ang definition ng red herring at ad hominem fallacies para malaman niya ang kamalian nya sa pakikipagargumento,” ani Castro.
Nauna rito, sinabi ni VP Sara na tumataas na ang desperasyon ng administrasyong Marcos para lamang siya’y pabagsakin.
Kasunod ito ng naging pagtanggi ni VP Sara nitong Sabado, Setyembre 26, 2026, na kilala niya ang lumitaw at nagpakilalang “bagman” at dating pulis na si Rodulfo Gracioso, Jr..
“I do not know Rodulfo Gracioso Jr., nor have I ever received any money from him. My lawyers are awaiting an official copy of the Gracioso affidavit from the National Bureau of Investigation (NBI) so they can begin working on the cases to be filed against him,” anang bise presidente.
Batay kasi sa mga lumabas na ulat noong Biyernes, Setyembre 25, partikular sa eksklusibong panayam ng GMA News kay Gracioso, sinabi ng huli na nakapagdala aniya siya ng halagang aabot sa humigit ₱2 bilyon kay VP Sara bilang dati umanong tauhan ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Ang banat ni VP Sara, tila raw mas nagiging mataas ang desperasyon ng kasalukuyang administrasyon para pabagsakin siya at hindi patakbuhin sa 2028 Presidential elections, isulong ang Charter Change, at manatili umano ang mga ito sa kapangyarihan.
“The desperation of the administration to bring me down, push for Charter Change, prevent the 2028 elections, and cling to power is becoming increasingly diabolical,” ang winika ni VP Sara.
Aniya pa, wala namang ibang gusto ang publiko kundi ang magpa-drug test umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., masagot ang anomalya sa flood control projects, at matupad ang pagbabago sa bansa.
“The people want Marcos to take a public drug test. The people want Marcos to answer for the flood control scandal. The people want change,” ang sinabi nito.
“No amount of political maneuvering, propaganda, or manufactured distractions can ultimately silence the Filipino people,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)