Home NATIONWIDE Pinas sa UN: Resolbahin sigalot sa diplomasya, batas, ‘di dahas

Pinas sa UN: Resolbahin sigalot sa diplomasya, batas, ‘di dahas

1
0

MANILA, Philippines — Nanawagan ang Pilipinas sa mga bansa na lutasin ang mga sigalot sa pamamagitan ng diplomasya at international law sa halip na dahas, kasabay ng babala na patuloy na naaapektuhan ng mga digmaan ang pandaigdigang ekonomiya.

Sa kanyang talumpati sa 81st United Nations General Assembly sa New York nitong Setyembre 26, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro na mahigit 50 armadong sigalot ang kasalukuyang nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Binanggit niya na ang patuloy na problema sa maritime traffic sa Middle East ay maaaring magdulot ng energy emergency sa Pilipinas, habang pinalalala naman ng giyera sa Ukraine ang global food crisis at iba pang epekto sa ekonomiya.

Sa usapin ng Gaza, muling nanawagan ang Pilipinas para sa agarang at tuloy-tuloy na ceasefire, proteksyon sa mga sibilyan at pagpapalaya sa lahat ng hostages.

Iginiit din ni Lazaro ang suporta ng bansa sa karapatan ng Palestinian people sa self-determination at sa two-state solution, kung saan magkatuwang na mabubuhay ang Israel at Palestine bilang magkahiwalay na estado.

Iniugnay rin ni Lazaro ang panawagan sa mga sigalot sa karagatan, kabilang ang South China Sea, at sinabing dapat manatiling gabay ang international law at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Binanggit niya ang 2016 South China Sea Arbitral Award bilang halimbawa kung paano maaaring gamitin ang international law upang mapayapang linawin ang karapatan ng mga bansa at maresolba ang kanilang hindi pagkakaunawaan.

“The Philippines stands firm in its conviction that disputes must be resolved through diplomacy and law, not violence and might,” ani Lazaro.

Nanawagan din ang Pilipinas para sa mas malakas na United Nations at mas malawak na representasyon sa UN Security Council upang mas epektibong matugunan ang mga banta sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here