Home NATIONWIDE Lacson kinuwestiyon DPWH sa Taguig project na na-ispatan sa Leyte

Lacson kinuwestiyon DPWH sa Taguig project na na-ispatan sa Leyte

2
0

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos lumitaw umano sa inspection records ng ahensya na ang geotagged photos ng isang proyekto sa Taguig City ay may coordinates na nasa Leyte, humigit-kumulang 600 kilometro ang layo.

“Since when has Taguig been located in Leyte?” tanong ni Lacson kay DPWH Secretary Vince Dizon sa isang social media post nitong Linggo, Setyembre 27.

Hiniling din ng senador kay Dizon na ipaliwanag kung bakit hindi dapat ma-red flag bilang posibleng ghost project ang naturang proyekto, lalo’t ang impormasyong kanyang binanggit ay umano’y mula mismo sa site inspection reports ng DPWH.

Ayon kay Lacson, nakasaad sa records na nagkaroon ng P13.74 milyong advance payment noong Hunyo 23, 2022, ngunit ang geotagged photos na kalakip ng billing report ay tumutukoy umano sa lokasyon sa Leyte.

Sinabi rin ng senador na St. Timothy Construction Corp., kumpanyang inuugnay kina Curlee at Sarah Discaya, ang contractor ng proyekto.

Nauna nang sinabi ni Dizon na wala pang natutukoy na ghost o non-existent infrastructure project ang DPWH sa Taguig. Sinabi rin ni DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III na 107 proyekto sa lungsod ang kanilang naitala at lahat ay may accomplishment reports.

Bukod sa maling coordinates, binanggit din ni Lacson ang ilang billing records na umano’y kulang sa photographic evidence o walang nakalagay na coordinates sa mga kalakip na larawan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here