BATANGAS — Patay ang isang pasahero habang apat na iba pa ang nasugatan matapos banggain ng bus ang isang nakahintong tricycle sa Provincial Road sa Barangay Palsahingin, San Pascual, Batangas nitong Sabado, Setyembre 26.
Batay sa paunang ulat ng Batangas Provincial Police Office (PPO), huminto ang tricycle sa gilid ng kalsada upang magsakay ng pasahero nang araruhin ito ng paparating na bus dakong tanghali.
Nasawi dahil sa lakas ng impact ang isa sa mga pasahero ng tricycle.
Sugatan naman ang tatlo pang pasahero at ang driver ng tricycle na agad dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan sa aksidente. Mary Anne Sapico