Home NATIONWIDE PBBM: Zero Balance Billing, pinalawak pa

PBBM: Zero Balance Billing, pinalawak pa

1
0

MANILA, Philippines — Umabot sa 175,565 Pilipino sa humigit-kumulang 282 sites sa buong bansa ang nakinabang sa medical services at iba pang tulong na inilatag ng pamahalaan kaugnay ng birthday activities ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kanyang BBM VLOG 284: Kaarawan, sinabi ni Marcos na kabilang sa mga inilunsad na serbisyo ang pansamantalang pagpapalawak ng Zero Balance Billing sa humigit-kumulang 132 ospital sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon sa Pangulo, habang karaniwang para sa mga pasyenteng nasa basic o ward accommodation ang Zero Balance Billing, isinama sa naturang birthday initiative ang mga pasyente sa ibang hospital rooms.

“Normally, mga ward patients lang ang kasama dito, pero noong araw na ‘yon nilahat na natin. Basta nasa ospital ka, anumang kuwarto, bayad na ang bill ninyo,” ani Marcos.

Bukod dito, nagsagawa rin ng community at school-based medical checkups, pamamahagi ng libreng gamot, wheelchair at iba pang frontline government services. Sinabi ng Pangulo na umabot sa 175,565 benepisyaryo ang natulungan sa tinatayang 282 participating sites.

Mahigit 98 local government units din umano sa buong bansa ang nakiisa online sa mga aktibidad, kasama ang iba’t ibang frontline service agencies ng pamahalaan.

Nagkaroon din ng pagtitipon sa Malacañang grounds na dinaluhan ng ilang supporters, vloggers, kawani ng Office of the President, persons with disabilities, senior citizens at mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.

Nagpasalamat naman si Marcos sa mga bumati sa kanyang ika-69 na kaarawan noong Setyembre 13, habang sinabi niyang naging limitado ang panahon niya para makapagdiwang kasama ang pamilya dahil sa sunod-sunod na opisyal na aktibidad.

“Hindi na rin ako halos nagkaroon ng oras mag-celebrate kasama ng buong pamilya dahil dire-diretso na ang schedule mula Ilocos hanggang sa India,” ani Marcos.

Ibinahagi rin ng Pangulo ang ilang mensahe ng mga nakatanggap ng tulong, kabilang ang isang pasyenteng may leukemia na nagpasalamat umano sa natanggap na food assistance at pagsagot sa kanyang hospital bill.

Samantala, ang regular na Zero Balance Billing program ng pamahalaan ay patuloy na nakatuon sa mga pasyenteng nasa basic o ward accommodation sa mga sakop na pampublikong ospital. Mahigit P10.3 bilyon ang inaprubahang pondo ngayong Setyembre para suportahan ang programa sa mga DOH hospital at piling LGU hospitals. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here