MANILA, Philippines — Half-day ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan ngayong Lunes, Setyembre 28, bilang paggunita sa 34th National Family Week at Kainang Pamilya Mahalaga Day.
Batay sa Memorandum Circular No. 136 na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto noong Setyembre 16, suspendido ang trabaho simula alas-1 ng hapon sa lahat ng ahensya at instrumentalities ng national government na nasa ilalim ng Executive Branch. Saklaw din nito ang government-owned or -controlled corporations (GOCCs) at state universities and colleges (SUCs).
Hindi naman saklaw ng suspensiyon ang mga ahensyang nagbibigay ng basic at health services, disaster at calamity preparedness and response, at iba pang vital services na kailangang magpatuloy ang operasyon.
Hinikayat din ng Malacañang ang ibang sangay ng gobyerno, independent commissions at bodies, gayundin ang private sector, na ikonsidera ang pagsususpinde ng trabaho upang mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na makiisa sa selebrasyon.
Ang National Family Week ay idinaraos tuwing huling linggo ng Setyembre alinsunod sa Proclamation No. 60, series of 1992.
Samantala, idineklara naman sa ilalim ng Proclamation No. 326, series of 2012 ang bawat ikaapat na Lunes ng Setyembre bilang Kainang Pamilya Mahalaga Day, na naglalayong bigyang-diin ang kahalagahan ng pagsasalo-salo ng pamilya. Kris Jose