MANILA, Philippines — Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na fare guide muna ang kailangan ng mga public utility vehicle (PUV) driver at operator para maipatupad ang bagong taas-pasahe na nagsimula ngayong Lunes, Setyembre 28.
Ayon kay acting LTFRB Chairman Greg Pua Jr., pansamantalang hindi muna ipatutupad ang requirement na may nakapaskil na fare matrix sa loob ng PUV bago makasingil ng adjusted fare.
“To implement the fare hike today, what the LTFRB and the DOTr ordered is for them to have a fare guide,” ani Pua.
Ginawa ang paglilinaw kasunod ng mga ulat na may ilang jeepney driver na nag-aalangan na maningil ng dagdag-pasahe dahil wala pa silang fare matrix.
Paliwanag ng LTFRB, bagama’t hindi nakasaad sa fare guide ang detalyadong ruta gaya sa fare matrix, nakapaloob dito ang impormasyong kailangan upang makuwenta ng driver at pasahero ang tamang pamasahe.
Maaari ring i-download ang fare guide mula sa official website ng LTFRB.
Sinabi ni Pua na pansamantala lamang ang pagluwag sa fare matrix requirement upang agad makinabang ang mga driver at operator sa inaprubahang dagdag-pasahe.
“We will still require the use of fare matrix but not now,” ani Pua.
Tiniyak din niyang maglalabas ang LTFRB ng hiwalay na abiso kung kailan muling magiging mandatory ang fare matrix.
Nauna nang inaprubahan noong Marso 2026 ang fare increase ngunit ipinagpaliban ang implementasyon nito. Pinayagan itong ipatupad ngayong Setyembre 28 sa gitna ng reklamo ng transport sector sa tumataas na operational costs, kabilang ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Santi Celario