MANILA, Philippines — Walang bagong bagyo o low-pressure area (LPA) na binabantayan sa loob o malapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR) matapos tuluyang lumabas ng bansa si Typhoon Queenie nitong Linggo ng hapon, Setyembre 27.
Ayon sa PAGASA, hindi na inaasahang babalik sa PAR si Queenie habang patuloy itong kumikilos pahilagang-silangan.
Samantala, patuloy na makaaapekto ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao hanggang Miyerkules, Setyembre 30.
Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Palawan at Lanao del Sur.
Sa iba pang bahagi ng bansa, generally fair weather ang inaasahan ngunit posible pa rin ang panaka-nakang pag-ulan o thunderstorm sa hapon o gabi dulot ng localized thunderstorms.
Pinag-iingat naman ng PAGASA ang publiko sa posibleng flash flood at landslide kapag nagkaroon ng malalakas na thunderstorm. May mga thunderstorm advisory ding inilabas ngayong umaga sa ilang bahagi ng Mindanao.
Wala ring umiiral na gale warning sa kasalukuyan, habang patuloy na minomonitor ng PAGASA ang lagay ng panahon sa bansa. RNT