Home NATIONWIDE Co-host ni Marcoleta, ‘di na tumestigo sa bail hearing

Co-host ni Marcoleta, ‘di na tumestigo sa bail hearing

1
0

MANILA, Philippines – Hindi na tumestigo nitong Lunes ang television host na si Nelson Lubao sa huling araw ng bail hearing ni Sen. Rodante Marcoleta kaugnay ng plunder case nito sa umano’y hindi pagsisiwalat ng P75 milyon halaga ng mga donasyon.

Si Lubao ang co-host ni Marcoleta sa isang television program noong Nobyembre 8, 2025, kung saan inamin ng senador na tumanggap siya ng mga donasyon sa kondisyon na hindi ibubunyag ang pagkakakilanlan ng mga donor.

Noong Setyembre 9, nakatanggap ang korte ng manifestation ni Lubao na humihiling na ma-excuse bilang testigo dahil sa “religious grounds.” Hindi na tinalakay pa sa korte ang partikular na dahilan.

Dapat sanang tumestigo si Lubao tungkol sa authenticity ng isang flash drive at link na naglalaman ng video ng pahayag ni Marcoleta. Gayunman, nagkasundo na ang prosecution at defense sa authenticity ng mga ito kaya hindi na kinailangang tumestigo si Lubao.

Inaasahang pormal na ihaharap ng magkabilang panig ang kanilang documentary evidence, bago isumite para sa resolusyon ang petition for bail. Ayon kay Associate Justice Ronald Moreno, pansamantalang itinakda ng korte sa Nobyembre 3 ang pagresolba sa bail petition.

Samantala, nakatakdang magsimula sa Oktubre 8 ang paglilitis mismo sa plunder case. Inaasahang ihaharap ng prosecution si Atty. Paula Corrales, na umano’y naglabas ng certified true copies ng deeds of donation, at ang custodian ng mga libro ng notary public na nagnotaryo sa mga dokumento.

Ayon sa prosecutors, nais nilang patunayan ang umano’y sabwatan nina Marcoleta at ng mga donor sa pamamagitan ng pagkakaiba sa petsa kung kailan ginawa ang mga donasyon at kung kailan isinagawa at ipinapanotaryo ang deeds.

Nauna nang sinabi ni Maria Mananghaya-Henson, director ng Office of the Ombudsman’s Field Investigation Bureau, na nakakita ang Ombudsman ng umano’y “connivance” ng mga akusado upang itago ang layunin ng mga regalo.

Ayon kay Henson, kabilang sa basehan nito ang pagkaantala sa pagbabayad ng donor’s tax at pagpapapanotaryo ng deeds of donation. Iniulat na ginawa ang mga donasyon noong Enero 2025, ngunit ang donor’s taxes nina Defensor at Espiritu ay umano’y binayaran lamang noong Disyembre 2025. Sinabi rin ni Henson na isang empleyado ni Marcoleta ang nagbayad ng dalawang buwis. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here