MANILA, Philippines – Ipapatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga personalidad na binanggit sa sworn affidavit ni dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr. kaugnay ng umano’y pamamahagi ng bilyong pisong cash sa pamilya Duterte.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, kabilang sa imbestigasyon ang pag-imbita sa mga pinangalanan upang i-validate ang mga impormasyong ibinigay ni Gracioso, na personal na nagsumite ng kanyang sinumpaang salaysay sa NBI nitong Lunes.
Sa affidavit, sinabi ni Gracioso na nag-deliver siya ng mahigit P2 bilyong cash na nakasilid sa mga maleta kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Davao City Rep. Paolo Duterte, sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Sinabi ni Matibag na isinailalim si Gracioso sa polygraph test na nagpakita umano ng mataas na truthfulness rating, ngunit patuloy pa rin ang intelligence validation sa lahat ng detalye.
Nilinaw din ng NBI na hiwalay sa kredibilidad ng testimonya ang mga dating administrative case ni Gracioso sa PNP na nagresulta sa pagkakatanggal niya sa serbisyo.
Patuloy ang beripikasyon ng NBI sa mga isinumiteng ebidensya. RNT/MDS