MANILA, Philippines – Patay ang 63-anyos na turistang Amerikano matapos hampasin ng upuan sa gulong naganap sa isang bar sa Panglao, Bohol noong Sabado, Setyembre 27.
Kinilala ang biktima na si alyas “Williams,” na tumutuloy sa isang resort sa Barangay Tawala, Panglao.
Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente sa Escape Bar sa Alona Beach.
Ayon sa Bohol Tourist Police Unit, isang concerned citizen ang nag-ulat ng kaguluhan bandang 11:45 ng gabi dahilan para rumesponde ang mga tauhan ng tourist police.
Anang pulisya, si Williams at 41-anyos na suspek ay nauwi sa mainit na argumento habang lango sa alak.
Ang argumento ay nauwi sa suntukan.
Dito na umano kinuha ng suspek ang upuan at ipinalo kay William dahilan para mawalan ito ng malay.
Agad na isinugod ng mga awtoridad ang biktima patungo sa Governor Celestino Gallares Memorial Medical Center sa Tagbilaran City ngunit idineklarang dead on arrival.
Naaresto naman ang suspek.
Makikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamilya ng biktima. RNT/JGC