MANILA, Philippines – Inaasahang aabot sa 74 milyong rehistradong botante ang makakaboto sa 2028 National and Local Elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes, Setyembre 28.
Sa Senate budget hearing, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na target nila ang karagdagang tatlong milyong botante.
Sakali aniya ay pagdating ng 2028 ay mayroon nang 74 milyong botante.
Dagdag pa niya, pagsapit ng Nobyembre 2028, inaasahan ang karagdagang isang milyong botante para sa 2028 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Humihiling ang Comelec ng P44.7 bilyon na budget para sa 2027, na binawasan ng 34% at naging P29.5 bilyon.
Kasalukuyang binabalangkas ng poll body ang terms of reference para sa voting machines na gagamitin sa 2028 NLE dahil plano nitong bumili ng mga bagong unit.
Noong nakaraang linggo, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagpapaliban sa BSKE sa 2028 at nagpapahaba sa termino ng barangay at SK officials mula apat hanggang limang taon.
Dahil dito, sabi ni Garcia na magbubukas ang voter registration sa ikalawang linggo ng Nobyembre ngayong taon hanggang Hunyo 30, 2028.
Sinabi ng poll body na nagastos na nito ang P8 bilyon mula sa P19 bilyon nitong budget para sa BSKE, at idinagdag na maaaring hindi na magamit ang ilang election supplies, kabilang ang indelible ink, kung ma-postpone ang BSKE.
Umaasa ang Comelec na papayagan sila ng Kongreso na gamitin ang BSKE budget para sa NLE.
Nitong Lunes, naghain ng petisyon sa Supreme Court (SC) si election lawyer Romulo Macalintal na humihiling ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapaliban ng BSKE sa Nobyembre 2026.
Sa kanyang petisyon, hiniling ni Macalintal sa Korte na maglabas ng TRO o status quo ante order na nag-aatas sa Office of the President, sa pamamagitan ng Executive Secretary, sa Senado, sa House of Representatives, at sa Comelec na iwasang ipatupad ang Republic Act No. 12326.
Bukod dito, hiniling niya sa SC na ideklarang inoperative, invalid, at/o unconstitutional ang batas pagdating sa pagpapaliban ng BSKE.
Kung sakaling ituloy ang BSKE sa Nobyembre 2, sabi ni Garcia, “Mukhang hindi namin kaya ang November 2. However, the Comelec always has the power to declare the postponement of elections.”
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, maaaring ipagpaliban ng Comelec ang halalan kung may terorismo, karahasan, o force majeure.
Ang filing ng Certificate of Candidacy para sa BSKE ay orihinal na nakatakda ng Setyembre 28 hanggang Oktubre 5, 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden