MANILA, Philippines – Sinimulan ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) nitong Martes, Setyembre 29 ang dalawang araw na transport strike upang hilingin sa gobyerno na itigil ang pagtaas ng presyo ng langis at mabigyan ng “living wage” ang mga tsuper ng jeepney.
Nagsimula bandang alas-6 ng umaga ang mga protesta sa ilang strike centers sa Metro Manila, kabilang ang Novaliches, Sucat, Alabang at Las Piñas.
Hinihiling din ng PISTON ang pagtanggal ng value-added tax at excise tax sa fuel products, pagbaba ng presyo ng langis sa P55 kada litro, at pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Ayon sa grupo, hindi sapat ang P1 fare increase sa traditional jeepneys na ipinatupad nitong Lunes dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel.
“Ang gastos namin sa diesel, aabot na ng P3,000. Pero ang dagdag lang naming kikitain sa 200 passengers a day, P200 lang,” sabi ni PISTON National President Mody Floranda.
Tinatayang 70,000 hanggang 100,000 jeepney drivers at operators ang inaasahang sasali sa nationwide strike, kabilang ang mga protesta sa Bulacan, Pampanga, Baguio, Rizal, Naga, Sorsogon, Cebu, Panay, Iloilo, Bacolod City, Davao at General Santos City.
Bago ang strike, kinondena ni Floranda ang babala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maaaring malagay sa alanganin ang prangkisa ng mga operator kung karamihan sa kanilang jeepney ay hindi bibiyahe.
“Kung totoong iginagalang ni Marcos ang karapatan naming magwelga, hinahamon namin siyang ibasura ang lahat ng batas na kontra welga at kontra protesta,” ani Floranda.
Nanawagan din siya sa pagbuwag sa Anti-Terrorism Law at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Ang nationwide transport strike ng PISTON ay inaasahang magtatapos sa Miyerkules, Setyembre 30. RNT/MDS