MANILA, Philippines — Humiling ang Bureau of Customs (BOC) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa 13 indibidwal na nahaharap sa mga reklamong kriminal kaugnay ng umano’y ilegal na pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.
Kasunod ito ng paghahain ng criminal complaints sa Department of Justice (DOJ) noong Setyembre 24 kaugnay ng anim na shipment na nakapangalan sa Berches Trading.
Ayon sa BOC, idineklarang “chicken lollipops” ang mga kargamento ngunit sa aktuwal na inspeksyon ay natuklasang naglalaman ang mga ito ng libo-libong sako ng sariwang sibuyas at mga kahon ng carrots na umano’y inangkat nang walang kinakailangang regulatory clearance.
Sinabi ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na gagamitin ng ahensya ang lahat ng legal na hakbang upang mapanagot ang mga responsable sa naturang transaksyon.
“We will use every legal measure available to hold accountable all those responsible,” ani Nepomuceno.
Kabilang sa 13 indibidwal na sakop ng kahilingan ang may-ari at mga kinatawan ng importer, licensed customs broker, at siyam na opisyal at empleyado ng BOC na sinasabing may kaugnayan sa mga shipment.
Sa liham ng BOC kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony M. Viado, sinabi ng ahensya na layunin ng ILBO na makatulong sa pagmamanman sa international travel ng mga subject ng reklamo at matiyak ang kanilang availability para sa nagpapatuloy na imbestigasyon at mga susunod na legal na proseso, alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Hiniling din ng BOC na kung may iba pang indibidwal na matukoy na konektado sa mga kaso habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, magsumite ito ng supplemental list sa BI para sa kaukulang aksyon.
Patuloy naman ang BOC sa pagsasagawa ng administratibo at legal na hakbang laban sa mga sangkot sa agricultural smuggling, kabilang ang mga mula sa pribadong sektor at maging sa loob mismo ng ahensya. Jay Reyes