Home NATIONWIDE Seguridad sa mga daungan paiigtingin sa papalapit na Kapaskuhan

Seguridad sa mga daungan paiigtingin sa papalapit na Kapaskuhan

1
0

MANILA, Philippines – Patuloy na pinaiigting ng Philippine Ports Authority (PPA) ang seguridad sa mga daungan sa buong bansa matapos makasamsam ng pinaghihinalaang ilegal na droga, drug paraphernalia, at iba pang kontrabando sa sunod-sunod na operasyon mula Setyembre hanggang Nobyembre.

Kabilang dito ang pagkakasamsam ng humigit-kumulang 12,000 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P81.6 milyon sa Port of Batangas noong Oktubre 7, kung saan apat ang inaresto.

Nakasamsam din ng pinaghihinalaang marijuana, drug paraphernalia, at bala sa limang insidente sa Dumangas Port sa Iloilo at Jordan at Sibunag Ports sa Guimaras noong Oktubre 10, 11, at 13.

Inaresto rin ang isang truck driver sa Port of Masbate noong Oktubre 11 matapos makitaan ng glass pipe, at isang 60-anyos na pasahero sa Port of Ormoc noong Oktubre 30 matapos makitaan ng improvised tooter.

Ang pinakahuli ay sa Port of Matnog noong Nobyembre 8, kung saan nasamsam ang vape cartridge na may pinaghihinalaang liquid marijuana na nagkakahalaga ng P1,700.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, mas nakaalerto ang PPA ngayong Ber months dahil sa pagdami ng mga pasahero.

Patuloy na ipinapatupad ng PPA ang baggage X-ray screening, physical inspections, CCTV monitoring, at pag-deploy ng K9 units upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here