MANILA, Philippines – Inilahad ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na kilala niya sa business operations ang negosyanteng si Jaime T. Cruz, na nauugnay sa negosyo ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Lumabas ang pangalan ni Cruz sa mga dokumentong iniharap ng prosecution sa impeachment trial ni Sara, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth, SALN violations at failure to divest sa business interests.
Sa General Information Sheet ng Chinese Gen Bee Foods Corporation, nakalistang president si Cruz habang shareholders naman sina Baste at Davao City Rep. Paolo Duterte. Kinumpirma ito ni Baste sa kanyang testimonya.
Nang tanungin kung alam niyang naging special envoy to China si Cruz mula 2019 hanggang 2022, sinabi ni Baste, “Probably, yes. I don’t know, but yeah.” Sinabi rin niyang hindi niya alam kung inalok si Cruz na maging chairman ng PhilHealth.
Hindi rin umano alam ni Baste na pangunahing stockholder ng GenCorp Industries Inc. si Cruz. Ayon sa prosecution, nakakuha ang GenCorp ng 19 na kontrata mula sa Davao City. Nakalista naman si Sara bilang stockholder ng kumpanya sa kanyang SALN, bagama’t hindi lumitaw ang pangalan niya sa mga dokumento ng kumpanya.
Sinabi rin ni Baste na hindi niya regular na sinusuri ang detalye ng mga bidders para sa mga kontrata ng Davao City dahil ipinagkatiwala niya ang signing authority kay Assistant City Administrator Tristan Dwight Domingo, maliban kung may makitang “irregular.”
Nang tanungin ni Senator-judge Risa Hontiveros kung paano niya ilalarawan ang relasyon ni Cruz sa kanilang pamilya, sinabi ni Baste, “Maybe not entirely the family, but he’s a friend to my father. He’s a known businessman in Davao.”
Sumang-ayon din siya na may “close” relationship si Cruz sa mga Duterte. RNT/MDS