MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mga Manilenyo na samantalahin ang malaking diskuwento sa full payment ng amilyar ngayong taon.
Ayon sa paalala ng alkalde, maaaring makakuha ng 20% discount ang mga magbabayad ng buong amilyar bago o hanggang sa Disyembre 10, 2026.
Para naman sa mga hindi makakahabol sa unang deadline, may nakalaang 15% discount mula Disyembre 11 hanggang 29, 2026, habang 10% discount naman ang maaaring makuha sa mga magbabayad mula Disyembre 30, 2026 hanggang Enero 31, 2027.
Paalala ng Manila City Government, ang discount ay para lamang sa mga magbabayad ng buong halaga ng kanilang amilyar at walang natitirang pagkakautang.
Hinikayat ni Mayor Isko ang mga Manilenyo na huwag palampasin ang pagkakataong makatipid sa pagbabayad ng kanilang property tax.
Maaaring magbayad ang mga taxpayer sa City Treasurer’s Office o sa pamamagitan ng GoManila App.
Para sa mga may amilyar, paalala ni Yorme na mas maagang magbayad para mas malaki ang matitipid. JAY Reyes