BATANES, Philippines – Itinaboy ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes ang Chinese research vessel na Jia Geng Hai 7 matapos umanong magsagawa ng iligal na marine scientific research sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, umalis ang barko bandang tanghali at tumungo pahilaga kasama ang China Coast Guard (CCG) vessel 2503.
Na-monitor ang Jia Geng Hai 7 sa layong 37 nautical miles hilagang-kanluran ng Itbayat mula Setyembre 28. Dumating ang BRP Teresa Magbanua bandang alas-7 ng umaga nitong Huwebes matapos iutos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na direktang hamunin at pigilan ang aktibidad ng barko.
Paulit-ulit itong hinamon sa radyo ngunit hindi tumugon. Nagpakawala rin ang PCG ng rigid hull inflatable boat (RHIB) na umikot sa research vessel at planong akyatin ito, na ayon sa open-source information ay pribado at sibilyang barko.
Sinabi ni Tarriela na layunin ng pag-ikot ng RHIB na gambalain ang anumang instrumento na maaaring ginagamit sa hindi awtorisadong aktibidad. Nagpadala rin ang PCG ng Islander aircraft para sa suporta at dokumentasyon.
Habang hinahabol ng PCG ang Jia Geng Hai 7, dumating ang CCG 2503. Ayon kay Tarriela, mabilis itong nakarating sa Batanes dahil naka-deploy ito sa silangang baybayin ng Taiwan.
Binanggit ni Tarriela na ang pagdating ng CCG vessel ay mahalaga dahil inilalarawan ang Jia Geng Hai 7 bilang pribadong research vessel. Tinukoy rin niya ang pahayag ng Chinese Embassy sa Maynila na ang barko ay “was operating in waters under China’s jurisdiction.”
Dahil dito, nagtanong si Tarriela tungkol sa lawak ng partisipasyon ng Beijing sa aktibidad ng barko. Nagpahayag din siya ng pangamba sa impormasyong maaaring nakalap nito sa apat na araw na pamamalagi sa lugar, lalo na dahil may kakayahan itong magsagawa ng pagsusuri sa subsea cables. RNT/MDS