Home METRO Cold storage, ni-raid; Chinese national, 4 pa arestado sa puslit na frozen...

Cold storage, ni-raid; Chinese national, 4 pa arestado sa puslit na frozen mackerel

5
0

CALOOCAN CITY, Philippines – Arestado ang limang indibidwal kabilang ang isang Chinese national sa isinagawang raid ng pulisya sa isang cold storage facility na imbakan ng mga imported na isdang mackerel sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.

Armado ng search warrant na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) National Capital Judicial Region Acting Presiding Judge Rosalia I, Hipolito-Bunagan ng Branch 232, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Northern Police District (NPD) Criminal Investigation and Detective Group (CIDG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR-NCR), Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement (DAIE), at Caloocan Police ang Ocean Fish Cold Storage Realty Corp. sa C-4 Road, Dagat-dagatan Brgy. 8 dakong alas-6:00 ng gabi.

Kinilala ang mga nadakip na si alyas “Hui”, Chinese national, compound supervisor at mga Filipinong maintenance crew na sina alyas “Eubert”, alyas “Justine”, at alyas “John Lloyd” , pati na ang driver na si alyas “Antonio”, habang wala sa naturang pasilidad ang subject ng search warrant na si alyas “Cai”, Chinese national.

Nakumpiska ng mga awtoridad sa loob ng cold storage ang kabuuang 755 na kahon ng Frozen Pacific Mackerel mula sa China na nagkakahalaga ng P1, 057,000.00 at isang wing van na ginagamit sa pagbiyahe ng puslit na frozen mackerel.

Inangkat ang naturang frozen mackerel nang walang wastong pahintulot, o maling paggamit ng mga aprubadong inangkat na kalakal na paglabag sa food safety at traceability regulations na may katapat na kaparusahan sa ilalim ng umiiral na Philippine Fisheries Law.

Sasampahan ng kaukulang kasong paglabag sa Section 18 Paragraph F at Q ng Fisheries Administrative Order No. 275 na may kaugnayan sa Section 105 ng R.A 8550 o ng The Philippine Fisheries Code of 1998 na inamiyendahan ng R.A. No. 10654. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here