Home NATIONWIDE AGAP kay PBBM: Itaas na taripa sa imported na baboy, ‘wag na...

AGAP kay PBBM: Itaas na taripa sa imported na baboy, ‘wag na hintayin 2027

3
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si AGAP Party-list Rep. Nicanor “Nikki” Briones kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umaksyon agad para sagipin ang naluluging hog industry sa gitna ng bagsak na farmgate price at pagbaha ng imported na baboy.

Ayon kay Briones, nasa P130-P140 na lang ang farmgate price sa ilang lugar, habang P180-P190 ang production cost dahilan para malugi umano ng P250 milyon kada araw ang hog raisers sa buong bansa.

Giit niya, dapat nang itaas agad ang taripa sa imported pork mula sa 15% in-quota at 25% out-quota sa ilalim ng EO 62, tungo sa 30% at 40%.

Hindi na dapat aniya hintayin ang nakatakdang phased increase hanggang 2027-2028 at dapat nang gamitin ang safeguard measures sa ilalim ng RA 8800.

Kabilang pa sa hirit ni Briones:

– Shipping permits at ASF testing sa imported pork
– Reclassification ng pork jowls
– Paggamit ng aktuwal na transaction value
– Limitahan ang MDM import permits sa meat processors lang
– Isailalim sa red lane ang imported pork offals para sa masusing inspeksyon

Hinimok din niya si BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na paigtingin ang laban kontra technical smuggling tulad ng misdeclaration, misclassification at undervaluation.

Binanggit din ni Briones ang pagkakakumpiska ng 20 toneladang karne sa Marikina at ang alegasyong may karneng hinuhugasan ng tawas bago muling ibenta.

“Kailangan ang aksyon ngayon, hindi bukas,” diin ni Briones, para maprotektahan ang mga magbababoy at matiyak na ligtas at abot-kaya pa rin ang karne para sa mamimili. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here