Home NATIONWIDE Pagbasura sa petisyon vs June 3 session, ikinatuwa ni Kiko: ‘Move on...

Pagbasura sa petisyon vs June 3 session, ikinatuwa ni Kiko: ‘Move on na tayo’

4
0

MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang naging desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang petisyon na kumukuwestyon sa June 3, 2026 Senate session.

Aniya, dapat nang isantabi ng mga mambabatas ang mga alitan sa politika at ituon na ang atensyon sa pangangailangan ng taumbayan.

“We acknowledge the Supreme Court’s ruling on the June 3 Senate session with respect and humility. The Court found no grave abuse of discretion and recognized that the session was consistent with the facts, the law, and established jurisprudence,” pahayag ni Pangilinan.

“In the words of my Gen Z kids, ‘Move on na.’ Tuloy-tuloy na tayong magtrabaho,” dagdag niya.

Sa resolusyon ng Korte Suprema En Banc na may petsang August 26, 2026 at muling inilabas ngayong October 1, 2026, ibinasura ang petisyon para sa certiorari nina Atty. Valeriano S. Loon at Atty. Zigfred M. Diaz.

Kinuwestyon sa petisyon ang mga naging aksyon ng mga senador at iba pang opisyal kaugnay ng June 3 session dahil sa umano’y grave abuse of discretion.

Ayon sa Korte, hindi napatunayan ng mga petitioner na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang mga respondent sa pagsasagawa ng sesyon.

Sa halip, sinabi ng Korte na ito ay “in accord with the facts and applicable law and jurisprudence.”

Para kay Pangilinan, pagkakataon ang hatol ng Korte para manumbalik ang katatagan sa Senado at makapokus na ito sa mga lehislatibong trabaho imbes na sa mga away sa pulitika.

“Dasurb ng kababayan natin ang mga lingkod-bayan na inuuna ang kapakanan nila kaysa sa personal na interes o tunggaliang pulitika,” sabi ng senador.

Umasa rin siya na makakatulong ang desisyon para maibalik ang liwanag at katatagan sa Senado.

Aniya, dapat nang tumutok ang mga mambabatas sa mga kagyat na problema ng bansa tulad ng pagpababa ng presyo ng pagkain, paglikha ng trabaho, pagpapalakas ng mga serbisyo publiko, at pagprotekta sa mga pamilya lalo na sa inaasahang Super El Niño.

“Nawa’y ang desisyong ito ay makatulong para magbigay liwanag, magbalik ng katatagan, at mahayaan ang Senado na maka-focus sa mga kagyat nating tungkulin: pababain ang presyo ng pagkain, create jobs, palakasin ang mga serbisyo publiko, at protektahan ang mga pamilya, lalong-lalo na sa hinaharap na Super El Niño,” pahayag ni Pangilinan.

Muli rin niyang iginiit ang kanyang paninindigan na itaguyod ang Konstitusyon, due process, at kapakanan ng mga Pilipino. “Nananatili matibay na taguyod ang Senado ng Saligang-Batas, due process, at kagalingan ng tao,” pagtatapos ng senador.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here