Home NATIONWIDE P8B dagdag na badyet inaprubahan ng House panel sa sektor ng edukasyon...

P8B dagdag na badyet inaprubahan ng House panel sa sektor ng edukasyon sa 2027

1
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) ng House of Representatives ang mahigit P8 bilyong dagdag na pondo para sa sektor ng edukasyon sa 2027.

Sinimulan ng BARSc nitong Huwebes, Oktubre 2, ang pagtalakay sa mga panukalang amendment sa P7.2-trilyong House budget bill.

Ang subcommittee ay binubuo ng mga piling mambabatas mula sa mga pangunahing political party at minority bloc at tumatalakay sa mga pagbabagong maaaring isulong bago ang botohan para sa second reading.

Sa Department of Education (DepEd), nagpanukala si House appropriations chairperson Rep. Mikaela Suansing ng P1.952 bilyong dagdag na pondo para sa anim na line item.

Kabilang dito ang P952 milyon para sa Basic Education Facilities Program, na gagamitin para sa karagdagang classrooms.

Sinabi ni Suansing na gagamitin ng Kamara ang oversight function nito upang matiyak na hindi maaantala ang konstruksyon ng mga silid-aralan.

Naglaan din ng P500 milyon para sa School Safety and Security Program ng DepEd.

Ayon kay Suansing, humiling si Education Secretary Sonny Angara ng P800 milyon para rito matapos walang inilaan na pondo sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP), sa gitna ng mga pangamba sa school violence.

Iminungkahi rin ang P350 milyon para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, na wala ring nakalaang pondo sa 2027 NEP.

Karagdagang P75 milyon ang iminungkahi para sa Special Needs Education Program, P25 milyon para sa Indigenous People Education Program at P50 milyon para sa Madrasah Education Program.

Samantala, nakatanggap ng P3.868 bilyong dagdag na pondo ang Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education (CHED), batay sa panukala ni Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez.

Sa halagang ito, P2.102 bilyon ang inilaan para sa Tertiary Education Subsidy at P1.766 bilyon para sa Tulong Dunong Program.

Ayon kay Hernandez, walang pondo ang Tulong Dunong Program sa ilalim ng 2027 NEP.

Inaprubahan din ng komite ang P360 milyon na amendments para sa tatlong line item sa budget ng University of the Philippines System.

Kabilang dito ang P70 milyon para sa UP Center for Education and Development sa Diliman campus at P250 milyon para sa Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards).

Iminungkahi rin ang P15 milyon para sa UP Diliman Institute of Mathematics, na kinilala ng CHED bilang Center of Excellence mula pa noong 1998.

Nagpanukala naman si Samar Rep. Stephen James Tan ng P456 milyon para sa locally funded projects ng iba’t ibang state universities sa bansa.

Samantala, naglaan ng P1.436 bilyon na amendments para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Kabilang dito ang P966.65 milyon para sa Training for Work Scholarship at P469.26 milyon para sa Special Training for Employment Program.

Walang tumutol sa mga mosyon para sa mga iminungkahing amendments.

Sa kabuuan, umabot sa P8,072,775,000 ang karagdagang pondo na iminungkahi para sa education cluster.

Binigyang-diin ni Suansing ang responsibilidad ng pamahalaan na tiyaking sapat ang pondo para maipagpatuloy ang mga programa sa sektor ng edukasyon.

“We have repeatedly said, on the part of the House of Representatives, to make sure that the education cluster gets the biggest budgetary share in our budget,” ani Suansing.

Nakasaad sa Article XIV, Section 5(5) ng 1987 Constitution na dapat bigyan ng pamahalaan ng pinakamataas na budgetary priority ang edukasyon at tiyaking sapat ang compensation at iba pang paraan ng job satisfaction para sa mga guro. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here