QUEZON CITY, Philippines – Umabot na sa 5,589 ang naitalang kaso ng dengue sa Quezon City hanggang Setyembre 24, ayon sa Quezon City Health Department.
Mas mababa ito ng 35.01 porsyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Gayunman, nakapagtala ang lungsod ng 24 na namatay dahil sa dengue, na may case fatality rate na 0.43 porsyento.
Sa mga nakalipas na linggo, nanatiling lampas sa alert threshold ang bilang ng mga kaso. Umabot sa 356 ang kaso noong morbidity week (MW) 36, pinakamataas na lingguhang bilang ngayong 2026 at 44 na mas mataas kaysa 312 kaso noong MW 34.
Bumaba sa 317 ang mga kaso noong MW 37, ngunit nanatili pa rin itong lampas sa alert threshold.
Hinimok ng pamahalaang lungsod ang mga residente na paigtingin ang mga hakbang laban sa dengue, kabilang ang regular na paghahanap at pagsira sa mga posibleng pamugaran ng lamok at paggamit ng proteksiyon laban sa kagat ng lamok.
Samantala, pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na sundin ang 4Ts: Taob sa mga lalagyang maaaring maipunan ng tubig, Taktak sa natitirang tubig, Tuyo sa basang lugar at gamit, at Takip sa mga drum at lalagyan ng tubig.
Bahagi ito ng Alas Kwatro Kontra Mosquito campaign ng DOH na naghihikayat sa publiko na mag-check at maglinis ng mga posibleng pamugaran ng lamok tuwing alas-4 ng hapon. RNT/MDS