Home NATIONWIDE 59% ng Pinoy, malayang nakapagsasalita laban sa administrasyon

59% ng Pinoy, malayang nakapagsasalita laban sa administrasyon

5
0

MANILA, Philippines – Anim sa bawat 10 adult Filipinos ang nagsabing malaya silang makapagsasalita nang hayagan at walang takot kahit salungat ang kanilang pananaw sa administrasyon, ayon sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey.

Isinagawa ang survey noong Hunyo 20–29 at inilabas noong Biyernes, Oktubre 2. 59% ang sumang-ayon sa pahayag na, “I can say anything I want, openly and without fear, even if it is against the administration,” habang 22% ang hindi sumang-ayon at 17% ang undecided.

Sa mga sumang-ayon, 28% ang strongly agreed at 31% somewhat agreed. Sa mga hindi sumang-ayon, 12% somewhat disagreed at 10% strongly disagreed.

Nagtala ang survey ng +37 net agreement, na ikinategorya ng SWS bilang “strong.” Pareho ito sa +37 noong Marso 2026, at mas mataas sa +26 noong Nobyembre 2025.

Ayon sa SWS, unang sinukat ang pahayag noong Hulyo 1985 sa panahon ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Sr., nang +3 lamang ang net agreement. Umabot naman ito sa pinakamataas na +63 noong Marso 1987.

Sa mga nakaraang administrasyon, nag-average ang net agreement ng +33 kay Corazon Aquino, +38 kay Fidel Ramos, +41 kay Joseph Estrada, +34 kay Gloria Macapagal Arroyo, +32 kay Benigno Aquino III at +29 kay Rodrigo Duterte. Sa limang survey sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., nasa average na +33 ang net agreement.

Sa mga rehiyon, Metro Manila ang may pinakamataas na net agreement na +48, sinundan ng Mindanao (+40), Balance Luzon (+39) at Visayas (+22).

Mas mataas din ang net agreement sa mga nakapagtapos ng kolehiyo o nag-postgraduate studies, na nasa +50, kumpara sa +27 sa mga nakapagtapos ng elementarya at +15 sa mga walang pormal o ilang taon lamang ng elementary education.

Samantala, +38 ang net agreement sa kababaihan at +36 sa kalalakihan.

Isinagawa ang survey sa 1,200 adult Filipinos na edad 18 pataas sa pamamagitan ng face-to-face interviews—tig-300 respondents mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. May sampling error margin na ±3 percentage points sa national results at ±6 percentage points sa bawat lugar. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here